Di ako nanonood ng pinoy-made horror flicks. Pakiramdam ko kasi sa galing ng Pinoy mangopya, wala na akong dapat pang i-expect na bago. Ang nakakainis dun ay alam ko namang maraming bago at mas magandang kayang i-offer ang Pinoy, pero sadya lang na hindi yun ang batayan ng mga pelikula natin kundi ang mga temang “bebenta.” Kung kaya kung ano ang sikat o pinasikat ng ibang bansa, ganun din ang gusto nating sabayan O pantayan.
Buti na lang merong Viva Channel, Cinema One, PBO at above all, kontak na pwedeng mahiraman ng CD.
Sa laki ng standy ng pelikulang “The Echo” sa Glorietta 4, imposibleng di ako maintriga. Dedma lang ako talaga pero nahatak kasi ako manood at eto ako ngaun, nagsusulat ng review.
Di ko napanood ang “Sigaw” na sinasabing basehan ng pelikulang ito pero di hamak na nagulat akong malaman na may “k” pala ang Pinoy sa Holywood cinema. Ito’y magandang simula para sa Pelikulang Pilipino.
Ang pelikula ay patungkol kay Bobby (Jesse Bradford), isang lalakeng kakabalik lamang sa lugar niya mula sa pagkakabilanggo. Dahil naka-parole, inaasahang tutuloy siya sa bahay ng kanyang ina na kasamaang palad ay pumanaw na. Umikot ang pelikula sa pagtangka ng lalaking itong ibalik ang buhay na naiwan nya maraming taon na ang nakalipas. Kumuha siya ng trabaho, nabigyan ng pagkakataon sa isang talyer at sinubukan nyang makipagbalikan sa dati niyang kasintahan. Isa lang ang tila nagiging sagabal, may naririnig siyang mga sigawan sa katabing kuwarto ng unit niya. Bukod pa riyan ay may nakaharap siyang babae (si Gina/Iza Calzado) at bata (anak niya) na puno ng pasa at tila nakatira sa naturang unit. Ang nakakapagpabagabag pa ay parang siya lang ang nakakarinig at nakakakita dito dahil ng minsa’y tumawag siya ng pulis para patulungan ang mag-ina, nakita ng dalawang mata niya ang loob ng kwartong walang laman at tila hindi na nagamit sa maraming taon.
Naipaliwanag ang lahat ng pangyayari ng makausap ni Bobby ang isang mamang nakatanaw mula sa kabilang gusali. Napag-alaman niyang minsan maraming taon na ang nakalipas ay may mag-inang napatay sa pasilyo ng palapag kung saan siya nakatira. Sila ay madalas nang binubugbog ng pulis na asawa/ama nito at sa huling pagkakataon ay sinubukan ni Ginang katukin ang halos lahat ng pinto sa buong palapag subalit walang lumabas at tumulong sa kanya. Binato ni Bobby ng mapagkutyang salita ang mamang nakatanaw ng mga pangyayari mula sa bintana sapagkat di nito maintindihan kung bakit walang ginawa ang kahit sino para sa mag-ina. Bilang saksi sa mga pangyayari, di makapaniwala si Bobby kung bakit ni hindi man lamang ito tumawag ng pulis o ospital. Pinagsarahan siya ng pinto ng mama at hindi na muling sinagot o kinausap.
Parang bumalik lang sa umpisa si Bobby dahil hindi niya pa rin alam bakit nakikita niya o paulit-ulit niyang naririnig ang mag-anak. Pagkabalik niya sa kanyang kuwarto ay nakarinig siya ng iyak mula sa kabilang unit at gulat na nakita ang kanyang kasintahan (Alyssa/Amelia Warner), puno ng pasa, bali ang kuko at walang malay. Dinala niya ito sa kanyang kuwarto at mula sa loob ng unit ay narinig niyang muli ang mga boses kung saa’y tila nauulit ang insidente sa pasilyo. Sinilip niya ang pangyayari sa peephole ng pinto at bago pa tuluyang mapatay ng pulis si Gina ay binuksan niya ang pinto at sinita ang pulis upang tumigil. Napahinto ang pulis, tumingin ng matalas at hinarap siya, bagay na nagpamulat kay Gina na manlaban, mahampas ang lalake, maagaw ang batutang ginagamit sa pambubugbog sa kanya at maihampas ito sa lalake hanggang ito’y mamatay.
Natulala ang binata sa mga pangyayari subalit doon na nagtapos ang kuwento ng mga boses. Bumalik siya sa loob ng kuwarto at natagpuan si Alyssa na nagtatago sa loob ng aparador. Inilabas niya ito, niyakap at tinulungan.
Ang maganda sa pelikulang ito ay ini-involve niya ang manonood sa pagtahi ng title na “The Echo” sa mga pangyayaring ipinakita niya. Ang paulit-ulit na krimen sa ika-limang palapag ay “echo ng pagkamatay ng mag-ina,” “echo ng hindi matahimik na kaluluwa” o “echo ng mag-inang naghahanap ng hustisya.” Hindi na mahahanapan pa ng hustisya sa tunay na buhay ang mag-ina sapagkat ang pulis na pumaslang sa kanila ay nagkitil na rin ng kanyang buhay, kung kaya’t ang tanging hustisya na lamang na maari nitong makamit ay ang mabago ang isa sa mga “echo” ng buhay nito. Sa parte ni Bobby, echo ng pagkabaliw at pagkamatay ng kanyang ina ang nasaksihan niya sa mga nangyari sa kanyang kasintahan. Dahil sa pagkakataong ito ay naroon siya sa bahay, tila nasalba na rin niya ang kanyang ina sa “echo” na ito.
Minarapat kong gawin ang review sa Tagalog kahit na US version ito dahil sa bandang huli, sa tingin ko Pinoy ang dapat makaalam ng mga sentimyento ko tungkol sa pelikula.
Hindi ko maiwasang mainis habang pinapanood ang pelikula. Napakahaba ng opening credits nito, puro tugtog lang naman at walang kahit anong scene na pinapakita patungkol sa pelikula. Ni hindi nga sinabi kung saan ito shinoot – kung saang neighborhood, city or country. Basta sa isang lugar na may mixture of cultures, somewhere na may lumang building kung saan naganap ang buong pelikula. Nakakaasiwa rin ang soundtrack, hindi ako masyadong nagulat or natakot, wala yung mga elementong nakakaasar, yung tipong matatawa ka sa sarili mo dahil nagulat ka or dahil successful yung pelikulang gulatin ka.
Isa pang bad trip ay sooooobrang bagal ng unsad ng pelikula. Masyado nitong pinakita ang pag-cope ni Bobby sa buhay niya and masyadong out of this world ung mga setting ng pagpatay ni Gina. Common na talaga ang illogical na pamamaslang ng mga tao sa horror films pero hindi naman uso ang ganong konsepto sa Philippine cinema. (Siguro sa Japanese Horror Flicks, puwede pa). Importante ang motibo, istorya at puso. Napagtanto ko na dahil sa sobrang bagal ng pelikula, para lang siyang isang maikling kuwentong ipinilit maging isang pelikula. Kung di pa sa huling 15 minuto ng pelikula, siguro sinabi ko nang walang kakuwenta kuwenta ang pelikulang ito.
Sa tono naman ng paggaya, di ko mapigilang mahalintulad ang itsura ng pagkamatay ng isa sa namatay sa ika-limang palapag. Kamukha niya ang mga naging biktima ng “The Grudge.” Lalo na ang maraming scenes kung saan nasa kisame at nakatingin si Gina sa mga biktima niya, naisip ko ang “Deep Waters” dun.
Ang masasabi kong maganda sa kabilang banda ay ang kawalan ng mga walang kapararakang open-endings na usual sa mga horror flicks – yung mga tipong one scene na pwedeng magbigay ng ideyang hindi pa tapos ang istorya. Kumbaga nasara ang pelikula ng maayos, kahit na mapapaisip ka kung paano naging “The Echo” ang pamagat niya. Ang isa pang nagustuhan ko dito ay ang kakayanan niyang “medyo” maging iba, kahit na usual na ang mga horror scenes (i.e. sa cr, sa kusina, sa closet, sa bedroom o sa panaginip). Oo, pinaalala niya ang iba pang palabas na napanood ko, pero sa bandang huli, iba pa rin ang dating nito dahil iba ang “context” niya. Ang ganda ni Izza Calzado sa one last shot sa kanya nung pelikula – ung last na nagpakita ng “rest in peace” kumbaga.
Muli, ang pagtutuunan ko ng pansin ay ang matayog na ambisyon ng Pinoy na pantayan ang kalidad ng Pelikula ng ibang bansa. Sabihin na lang natin na tulad ng isang sanggol na maari lamang matuto sa paglipas ng panahon at paggaya sa kanyang mga nakikita, ang Pelikulang Pilipino ay masyado pang bata para tumayo sa kanyang paa.
Gayunpaman, naniniwala ako na tayo ang gumagawa ng sarili nating kasaysayan at kung kayang abutin ng ating isip ang naturang pangarap, sigurado akong kaya nating patotohanan ang ating pagtanda sa larangan ng pelikula. Kabahagi ako nito, bilang manonood at manunulat.
Di ako nanonood ng Pinoy made horror flicks – sa sine. Pero, hindi rin kasi ako nanonood ng kahit anong horror flick sa sine eh. Lahat sa CD or sa TV, so quits lang. Last na pinanood ko sa sine na horror flick is Shake, Rattle and Roll X. Ang galing ni Jean Garcia bilang Spanish madre. Yun lang.